Desperate Housewives

Mainit na usapin na sa Internet ang isinulat ni Shari tungkol sa linya ng karakter na ginagampanan ni Teri Hatcher sa palabas sa TV sa Amerika na pinamagatang Desperate Housewives.

Habang kausap ang kanyang doktor, sinabi ng babae ang ganito:

Okay, before we go any further, can I check those diplomas? Coz I would just like to make sure they are not from some med school in the Philippines.

Medyo napikon ako. Para kasing pinapalabas ng mga sumulat na walang kuwenta ang mga paaralang pangmedisina sa Pilipinas. Sa pagkakaintindi ko, ang “some med school in the Philippines” ay tumutukoy hindi sa ilang paaralan, kundi sa alinmang paaralang pangmedisina sa Pilipinas.

Nirerespeto ko ang opinyon ng nagsasabing di tayo dapat mapikon sa mga ganiyang biro.

Pero naniniwala akong sa panahong itong ang mga Pilipino’y bugbog na ng mga eskandalo gaya ng kickbakang nagpapauga sa haligi ng Malakanyang at mga kabalintunaang gaya ng sentensiyang nais pawalang-bisa ng presidential pardon, ang mga ganitong katatawanang nakakainsulto at galing sa mga dayuhan ay hindi natin kailangan. (Mas nakakaaliw ‘yung mga birong tayo ang lumikha–gaya ng AB-ZTE-FG–dahil hindi ang pagka-Pilipino o pagiging taga-Pilipinas ang kinukutya natin, kundi ang katiwalian ng ilang makapangyarihan.)

Pero hindi ako sasali sa sinasabi nilang boykot sa Desperate Housewives dahil hindi naman ako nanonood ng palabas na ‘yan na balita ko’y tungkol sa malalanding matronang parang laging kinakati ang kuwan.

(Magtitiyaga na lang ako sa Zaido, kahit mukha pang Chaka Doll si Fuuma Lear. Di na ako makikigaya sa mga sumulat pati kay Michelle Malkin–na nalaman kong dumaraan din pala sa blog ni Yuga.)

Kayo, ano ang saloobin ninyo tungkol dito?

17 thoughts on “Desperate Housewives

  1. well, personally, medyo nakaka pikon talaga. lalo pa’t may auntie akong doktor sa US ngayon. at di lang sya “from some med school in the philippines”, graduate sya ng UP PGH. at magaling syang doktor.

  2. @suyin: oo nga. sa tono ng karakter, ang UP Manila ay naging parang “some medical school” lang sa Pilipinas.

    @gari: dumalo ka na lang sa susunod na Bloggers’ Kapihan. 🙂

    @aajao: huwag. baka mas malalaki sila, hehe.

  3. Oy taga PGH din ako… kaya nga di ako balat sibuyas. Sa dinami-dami ng kahihiyang pinagda-daanan dun, maiinsulto ka pa ba sa isang 5-second na pasaring?

  4. Nung una kong nadinig ito nainis din ako. Tulad ng ibang kababayan natin. Pero bakit sa kabila ng insultong ito, madami pa din satin ang nagbubulag bulagan? Hindi naman tanga ang mga Pinoy para isawalang tabi ang ganitong isyu. Oo, makailang beses na tayo sa ganitong isyu, pero hahayaan ba nating apakan na lang tayo ng kung sino? Mabigat ang linyang sinabi ni Teri at sa aking palagay, malaki ang maidudulot na pinsala nun sa ating Medical Doctors. Malawak kasi ang usapin tungkol sa racial slur. Hindi lang Pinoy ang nakakaranas nito. Pero kahit anu pa man, dapat bilang Pilipino matuto tayong ipagtanggol ang mga sarili natin, maliit man o malaki ang isyu.

  5. Sana lang, kung kaya nating ipaglaban ang ating mga kababayan sa panglalait ng iba, dapat ay ganun din tayo laban sa korapsiyon, extra-judicial killings and enforced disappearances na laganap ngayon. “di kasi natin pinapansin kaya patuloy ang ganitong kalakaran sa administrasyon. Sana nga ay mag-unite din tayo sa ganitong isyu at masigasig nating labanan.

  6. huminahon po tayong lahat. hayaan ninyo ang mapanlait na mga lahi. basta tayong mga Pilipino ay kinagigiliwan ng maraming tao sa buong lupalop ng mundo. MABUHAY ANG PILIPINO! 🙂

  7. The genuine racial slur:

    Daniel Smith was freed/returned back to US after raping a Filipina. Perpetuated by the President of the Republic of the Philippines.

    What a record!! … What a Slur…!

  8. Dapat sigurong alalahanin rin natin ang sarili nating mga slur sa iba’t-ibang grupo, dahil magmula bata pa ako ay hindi na nawala sa lokal na telebisyon at mga pelikula ang pagkutya sa mga maiitim, Tsino, Taga-India, mga bakla, tomboy, mga pandak, mga pangit, mga katulong, mga taga-Capiz, mga Bisaya, etc, at di-hamak namang mas madalas kung hamakin sila sa mga pelikula at palabas natin, lalo na sa mga komedya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *