Ang taong desperado, ibebenta ang sarili.

Ganyan ang naisip ko nang mabasa ko ang tungkol sa House Resolution No. 737 na isinusulong ni Speaker Prospero Nograles at pinirmahan na raw ng mahigit na sandaang mambabatas sa mababang kapulungan.

Nais ng House Resolution 737 na baguhin ang Seksyon 2 at 3 of Artikulo 12 ng Konstitution upang payagan ang mga dayuhang korporasyon at asosasyon na makabili ng pampubliko o pribadong lupaing maililipat (alienable public and private lands).

Sabi ni Nograles, isinusulong niya ang House Resolution 737 dahil sa kanyang “frustration” sa paghahanap ng mga solusyong magwawakas sa apat na dekadang armadong sagupaan sa ilang bahagi ng Mindanao.

“Many people are poor in Mindanao because of the insurgency problem and we have an insurgency problem because there are no investments coming in to help the poor. We have been trapped in this kind of situation for a long time now and there’s nothing we can do about it just because of two particular provisions in the Constitution,” ani Nograles.

Kung papasok daw ang mga investment ng mga Arabo, magkakaroon ng mas maraming negosyo sa rehiyon. Pero dahil daw sa pagbabawal sa Konstitusyon hindi nai-enganyo ang mga mamumuhunan.

Itinatadhana ng Konstitusyon ang 60%-40% na hatian sa pagitan ng mga Pilipino at mga dayuhan sa pag-aari ng mga kumpanyang gagamit sa mga likas na yaman ng bansa. Hindi rin puwedeng bumili ng mga lupaing maaaring ariin ang mga dayuhan.

Matagal nang inaatake ng mga dayuhang negosyante at maging mga Pilipinong ekonomista at mga taong-gobyerno ang patakarang ito sa ating Saligang Batas. Itong panukala ni Nograles ay pinakahuli lamang sa mga atakeng ito.

Ngunit inilagay sa ating Konstitusyon ang mga proteksyong iyan upang pangalagaan ang ating pambansang patrimonya at ang kapakanan ng mga mamamayan. Bilang isang bansang ilang dantaong napasailalim sa at pinagpasasaan ng mga dayuhang mananakop, kailangan ang ganitong probisyon upang makatiyak na di tayo malalagay sa panganib ng walang habas na pagsasamantala.

Sabi nga ng makabayang dating senador na si Wigberto Tañada, ang mga bansang Vietnam, India at China ay di rin nagbibigay sa mga dayuhan ng karapatang magmay-ari ng lupain upang protektahan ang kanilang mga mamamayan.

At bakit di nila tingnan ang iba pang dahilan ng kahirapan? Bakit di nila pag-aralan, halimbawa, kung ano ang epekto ng katiwalian sa pamahalaan — sa pambansa at lokal na pamahalaan — sa kahirapang nararamdaman ng mga taga-Mindanao at ng buong bansa?

Bakit kaya ang Konstitusyon na naman ang pinagdidiskitahan nina Nograles?

(Pinoy Gazette)