Dapat Idaan sa Kongreso ang RP-US MLSA

Nasa mga pahayagan ngayon ang sinabi kahapon ni Pangalawang Pangulong Guingona kung saan sinabi niyang dapat idaan sa Kongreso ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA).

Isang arrangement ang MLSA na umano’y kasalukuyang niluluto ng Palasyo, partikular ng Defense Department, at magbibigay ng karapatan sa US military na magkaroon ng storage facilities dito sa Pilipinas. Nitong Pebrero, nakapag-leak sa media si Rep. Imee Marcos ng draft copy ng nilulutong kasunduan. Sa report ng Newsbreak inuulat nito, ayon sa MLSA draft, na ang kasunduan ay naglalayong mas mapaganda ang operasyon at kahandaan ng pwersang militar ng Pinoy at ng Kano sa pamamagitan ng pinaigting na kooperasyong logistics.

Halatang gustong madaliin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na gigil na gigil sa anumang US-RP cooperation. Samantala, may mga reservation naman si Guingona dahil sa para nga namang ibinabalik unti-unti ang base militar kung ganitong makakapag-set up ng storage facilities para sa kanilang military supply ang pwersang Kano. Ngayon, hindi ba logical isiping maaaring isa ito sa mga dahilan kung bakit minadali rin ng Palasyo ang pagsibak kay Guingona bilang kalihim ng Ugnayang Panlabas? Tama man o hindi ang obserbasyong iyan, mabuti’t naisapublikong muli ang isyu tungkol sa pagdadala ng usapin sa Camara at Senado. Magkaroon sana ng matindung public clamor upang mapilitan ang Palasyo na bigyang papel ang bayan sa pagpapasya sa isyung ito sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa Kongreso.

0 thoughts on “Dapat Idaan sa Kongreso ang RP-US MLSA”

Leave a Reply