Buhay digital

Ganito rin ba lumilipas ang araw mo?

Pagkagising, cellphone agad ang hawak mo. Habang nag-aalmusal, sa tablet ka nagbabasa ng balita. ‘Di ka pa nakakaalis, may Viber message na ang tropa — ipinaaalalang may lakad kayo mamaya.

Sa estasyon ng MRT, nakaligtas ka nga sa pila sa tiket dahil sa Beep card mo, mahaba naman ang pila papasok. Ano pa nga ba ang bago? Mabuti na lang, may libreng Wi-Fi na. Browse ka muna sa Facebook. ‘Pag nagsawa, Everwing naman.

Kahit siksikan sa tren, nanonood ka pa rin sa cellphone ng na-download mo kagabing Koreanovela episodes sa iflix o Netflix. Mabilis ang download kasi naka-Fibr kayo sa bahay.

Sa trabaho, Outlook email agad ang hinaharap mo. Sa oras ng tanghalian, kailangan naman ninyong manatili sa opisina dahil may minamadali kayong proyekto. Online delivery muna sa McDonald’s o Jollibee. Habang kumakain, sumisilip-silip ka sa Twitter. Top trending topic na naman ang AlDub hashtag.

Sa hapunan kasama ang tropa, kani-kaniyang picture kayo ng mga pagkain para ipost sa Instagram. Naglagay ka na rin ng litrato sa check-in mo sa Swarm. At kahit minsan-minsan lang kayo nagkakasama, ‘di pa rin mabitawan ang kani-kaniyang cellphone. Sanay na rin naman kayo.

Pauwi galing sa gimik, naisipan mong mag-P2P bus. Nag-check ka muna kung may bagong video ang paboritong YouTuber mo. Pagkatapos nito, nag-Spotify ka para makapakinig ng music habang maginhawa ang pagkakasandal. Maya-maya, biglang naputol ang music. Naubusan ka pala ng load. May laman pa naman ang PayMaya mo kaya nakapag-reload ka agad at nag-subscribe sa data package. Tuloy ang pagre-relax sa biyahe.

Pagdating sa bahay, bills ang sumalubong sa ‘yo. Suwerte, nag-Skype ang kuya mo, ibinabalitang nagpadala siya ng Bitcoin noong isang araw. Sakto namang mataas ang palit sa Coins.ph kaya nag-convert to peso ka na agad.

Bago matulog, binasa mo ang latest chapter ng bagong istorya ni @AkoSiIbarra sa Wattpad, saka muli kang bumalik sa newsfeed ni crush. Puro selfie na naman pero OK lang sa ‘yo. Nakangiti kang matutulog habang gumagana ang cellphone mo — nada-download ang episode na panonoorin mo sa biyahe bukas at naa-autoupload sa Flickr ang laman ng camera roll mo.

Unang nalathala sa Dyaryo Filipino.

Leave a Reply