Bomba (2)

May alam tayong dalawang klase ng bomba: yung isa’y kinatatakutan at nagdadala ng nakamamatay na pagsabog at yung isa naman ay kinahihiligan ng marami at nagdadala rin ng ibang uri ng pagsabog, pero ayaw naman ng iba dahil malaswa.

Sa mga nakalipas na araw, sari-saring pasabog at pagsabog ang naganap sa bansa. Ang una ay ‘di nakamamatay–nakakabuhay pa nga sa ilang nakinabang–pero kung tutuusin ay mas malaswa pa sa tanang malaswa–ito ang umano’y suhulan sa Palasyo na pinasabog ni Fr. Ed Panlilio.

Pero ang pinakamaingay at nakamamatay ay naganap kahapon sa Glorietta 2 sa Makati. Hindi bababa sa walo ang namatay at mahigit 100 ang nasaktan. Noong una ay inakala ng mga pulis na LPG ang sumabog, ngunit natagpuan ding bomba pala ang dahilan ng trahedyang ito.

Ang unang naisip ko nang marinig ko ang balita ay sana nama’y hindi ito kagagawan ng mga grupong nagnanais na patalsikin si Gloria. Bagama’t may dahilan ang mga nananawagan ng ganito dahil sa sunud-sunod na kalintikan ng administrasyong ito, hindi kailanman magiging makatarungan na idamay ang mga inosenteng sibilyan para isulong ang kanilang layuning pulitikal.

Pero nang marinig ko ang alegasyon ni Senador Antonio Trillanes at iba pang mga taga-oposisyon, nanlumo ako. Ayon sa Senador, ang pambobomba ay maaaring isang pakana ng Hello Garci general na si Hermogenes Esperon at National Security Adviser Bert Gonzales upang alisin sa isip ng mga mamamayan ang usapin ng panunuhol sa Palasyo. May mga nagsasabi ring maaari itong gawing dahilan upang magdeklara ng state of emergency o batas militar.

Itinanggi ng Palasyo ang pambobomba.

Ang isang nakakaalarma rito, ang natagpuang mga bahagi ng bombang ginamit ay mataas na uri, at ang ganitong klase raw ng bomba ay ginagamit ng military. Nakapagtatakang nagkaroon nito ang mga terorista.

Ginamit ng rehimeng Marcos ang mga ganitong taktika upang takutin ang mamamayan at mabigyang-katuwiran ang lalo pang panunupil. Ang rehimeng Marcos ang itinuturong nambomba sa Plaza Miranda. Ito rin ang nagsagawa ng pekeng ambush kay Juan Ponce Enrile para gawing katwiran sa pagdedeklaa ng martial law.

Sana naman, ang naganap kahapon ay hindi isang karumal-dumal na pag-uulit sa kasaysayan.

Leave a Reply