Bigo ang pagnanais na maipakulong si Trillanes

Sa mga politiko mula sa oposisyon na hindi nakakulong, si Senador Antonio F. Trillanes IV ang pinakamasigasig sa paglaban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago pa man ang Eleksyon 2016, inakusahan na ni Sen. Trillanes si noo’y Davao City Mayor Duterte ng pagkakaroon ng P211 milyon sa isang bank account sa BPI Julia Vargas. Hindi umano ito idineklara ni Duterte sa kaniyang statement of assets, liabilities, and net worth. Noong una, itinanggi ng tagapagsalita ni Duterte na may account siya sa BPI Julia Vargas. Kalaunan, inamin ni Duterte na may account siya roon, pero libo lang daw at di milyon ang laman ng account.

Sa botong mahigit 16 milyon, si Duterte ang nanalo sa labanan sa pagkapangulo noong 2016. Natalo naman sa halalan si Trillanes — si Leni Robredo ibinoto ng mga Pilipino para maging pangalawang pangulo.

Dubredo
Sina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulong Leni Robredo sa araw ng panunumpa ni Robredo bilang housing secretary. (Rey Baniquet/PPD)

Noong Setyembre 2017, si Duterte naman ang nagsabi na may bank accounts daw si Trillanes sa ibang bansa. Bilang sagot, pumirma si Trillanes sa 12 bank waivers na nagpapahintulot sa Anti-Money Laundering Council at sa Ombudsman na tingnan ang umano’y bank accounts niya na inilista sa post ng Davao Breaking News Facebook page at ini-share nina Erwin Tulfo at Mocha Uson. Hinamon din ni Trillanes si Duterte na pumirma rin sa bank waiver. Hanggang ngayon, wala pang pinipirmahang waiver ang pangulo.

Nagbigay naman si Duterte ng mga detalye ng umano’y accounts ni Trillanes, kaya pumunta ang senador sa Singapore para pabulaanan ang pahayag ng pangulo. Matapos sabihin ng mga bangko sa Singapore na walang ganoong acount numbers sa kanila, inamin ni Duterte na inimbento lamang niya ang bank account numbers.

Ayon kay Ellen Tordesillas ng Vera Files, “In his desperation to get back at Sen. Antonio Trillanes IV, President Duterte resorts to fake news.” 

Trillanes vs. Calida
Hindi lamang ang pangulo ang binabangga ni Trillanes. Pati ang mga kaalyado ni Duterte, gaya nina Solicitor General Jose Calida at Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go, nais niyang paimbestigahan dahil sa umano’y katiwalian.

Noong Mayo 30, isinumite ng ilang opposition senators, kabilang si Trillanes at ang nakakulong nang si Senador Leila de Lima, ang Resolution 760 na humihiling na imbestigahan ng Senado ang posibleng conflict of interest sa pagkakaaward ng milyon-milyong pisong kontrata ng gobyerno sa Vigilant Investigative and Security Agency na pag-aari ng pamilya ni SolGen Calida.

Solicitor General Jose Calida
Solicitor General Jose Calida, “Defender of the Republic and the People’s Tribune” (Office of the Solicitor General)

Si Calida at ang kaniyang pamilya, dumulog naman sa Korte Suprema. Sa kanilang petisyon para sa temporary restraining order (TRO), sinabi ng mga Calida na ang imbestigasyon ay pang-aabuso ni Trillanes sa kapangyarihan ng Kongreso. Ang motivation daw ng senador, ayon kina Calida, ay ang “political biases and personal hostility” ni Trillanes.

Dahil di nakakuha ng TRO mula sa Korte Suprema sina Calida, itinuloy noong Setyembre 4 ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na pinamumunuan ni Trillanes ang pagdinig ng Senado kaugnay ng Senate Bill No. 1924 na naglalayong susugan ang  probisyon sa conflict of interest sa Republic Act. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Hindi dumalo si Calida, na nanindigang walang alingasngas sa mga kontrata ng security agency nila. Sa isang sulat para sa komite ni Trillanes, ipinaliwanag ng abogado ni Calida kung bakit tumangging dumalo ang solicitor general.

“Our client is not an expert on matters involving conflicts of interest. He does not administer R.A. 6713 and did not practice in that area of law prior to his appointment as solicitor general,” ayon sa sulat.

‘As if it never existed’

Sa araw ng pagsisimula ng pagdinig ng Senado kung saan imbitado si Calida, nathala sa Manila Times ang Proclamation 572 ni Pangulong Duterte na nagpapawalang-bisa sa amnesty na iginawad ni dating Pangulong Noynoy Aquino kay Senador Trillanes. Ang amnesty ay iginawag ni Pangulong Aquino sa mga kasapi ng Magdalo na nasangkot sa Oakwood Mutiny noong Hulyo 27, 2003,  Marines standoff noong Pebrero 26, 2006, at Manila Peninsula siege noong Nobyembre 29, 2007.

Ayon sa Proclamation 572, base raw sa certification mula sa Armed Forces of the Philippines, walang available na kopya ng application form ni Trillanes sa kanilang records. Dahil dito, “void ab initio” o sa simula pa lang ay wala na raw bisa ang amnesty na natanggap ni Trillanes.

“While the title indicates a revocation, the contents of the proclamation would show that it actually nullified or void ab initio the amnesty as if it never existed. Binalewala ito (this was set aside) as if it never existed. It’s a declaration that it was void from the moment it was issued,” paliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Sa proclamation, iniatas ni Pangulong Duterte sa sandatahang lakas at sa pulisya na arestuhin si Senador Trillanes: “The Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police are ordered to employ all lawful means to apprehend former LTSG Antonio Trillanes so that he can be recommitted to the detention facility where he had been incarcerated for him to stand trials for the crimes he is charged with.”

Ngunit ayon sa law experts tulad nina dating Solicitor General Florin HilbayIntegrated Bar of the Philippines President Abdiel Dan Elijah Fajardo, at Atty. Gilbert Andres ng Center for International Law, tanging mga korte lamang ang makapag-aatas ng pag-aresto kanino man.

Kinilala naman ng Palasyo ang tamang proseso. Ayon kay Atty. Harry Roque, noo’y presidential spokesperson, nagdesisyon ang pangulo na hintayin ang warrant of arrest mula sa mga korte: “He has made it very clear that although a military tribunal could order his arrest, he prefers and he has ordered that authorities wait for the decision of the regional trial court.”

Ang Department of Justice (DOJ), humiling naman ng alias warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes sa Makati Regional Trial Court Branch 148 para sa kasong kudeta, at makalipas ang ilang araw, sa Branch 150 para naman sa kasong rebelyon. Dati nang naisara ang mga kaso matapos ngang mabigyan ng amnesty si Trillanes.

‘Mr. Duterte, duwag ka.’
Sa kaniyang pahayag sa araw na nalathala ang Proclamation 572, nanindigan si Trillanes na tinupad niya ang mga requirement para mabigyan ng amnesty: “My amnesty was granted after all requirements have been complied with. I even took oath in front of then defense officials. All my cases covered by the amnesty have been dismissed.”

Tinawag ding duwag ng senador ang pangulo: “Mr. Duterte, duwag ka. Inantay mo pang makaalis ka bago mo nilabas itong proclamation mo. This is a clear case of political persecution, but I will not cower. There’s a time for reckoning for you and your minions.”

Sa isang panayam sa CNN Philippines, sinabi naman ni dating Pangulong Aquino na nag-apply ng amnesty si Trillanes.

Si Abi Valte, dating tagapagsalita ni Aquino, nagpost naman ng litrato ng amnesty application form ni Trillanes.

Noong 2011, na-cover ng media ang pagpa-file nina Trillanes ng application sa amnesty. “Trillanes avails of amnesty, admits ‘breaking rules'” ang pamagat ng report ng GMA News. “Trillanes applies for amnesty, has no regrets” naman ang sa ABS-CBN News.

May mga nag-post din ng 2011 YouTube video ng report ng DZRH reporter na si Bing Formento tungkol sa pagsusumite ni Trillanes ng application para sa amnesty.

Si Senador Trillanes, nagpasa naman sa mga korte ng kaniyang certificate of amnesty at ng mga affidavit nina Col. Josefa Berbigal, ang military officer na tumanggap sa kaniyang amnesty application, at Honorio Azcueta, dating chairman ng ad hoc amnesty committee na nag-asikaso sa application.

Kamay ni Calida?

Nagkataon lang kaya ang paglabas ng Proclamation 572 sa unang araw ng pagdinig ng committee ni Senador Trillanes sa usapin ng conflict of interest na kinasasangkutan ni Solicitor General Calida?

Sa isang panayam ng mga reporter kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinabi niya na tinawagan siya ni Calida noong Agosto at tinanong tungkol sa amnesty records ni Trillanes.

“He asked me personally by phone. I remember that was August 16, before pa. Because ang ginawa ni Solgen Calida meron siyang taong pinapunta dito to research. Kasama na ‘yong kay Sen. Trillanes kasi kasama sila sa listahan,” ani Lorenzana.

Ayon kay Lorenzana, gusto raw makita ni Calida ang amnesty records ng grupo ni Trillanes, at pinagbigyan naman niya ang solicitor general na makita ang record ng senador. Pero itinanggi ni Lorenzana na siya ang ibinigay niya kay Calida ang mga dokumento kaugnay ng amnesty ni Trillanes.

Ang senador, inakusahan naman ang solicitor general ng pagkuha sa kaniyang amnesty application form:  

“Nananawagan ako sa leadership ng Armed Forces (of the Philippines) at ng Department of National Defense, particularly ‘yong J1 ng AFP. Alam nila na nag-apply ako. Alam nila na meron akong dokumento. Bakit hinayaan nilang kunin ito at iwala ni Mr. Calida?”

Dahil sa pahayag ni Trillanes, nagbanta si Calida na kung di raw hihingi ng paumanhin si Trillanes ay kakasuhan niya ng libel ang senador. Tumangging mag-sorry kay Calida si Trillanes. Ang tugon ni Calida, “Maybe I’ll just forgive him.”

Sawi, wagi

Noong Setyembre 25, pinaboran ni Makati RTC Branch 150 Judge Elmo M. Alameda ang hiling ng DOJ na maglabas ng warrant of arrest laban kay Senador Trillanes sa kasong rebelyon. Ayon kay Alameda, bigo raw si Trillanes na patunayan na nag-submit siya ng application for amnesty. Di raw kasi nakapaglabas si Trillanes ng original hard copy o kahit duplicate o photocopy ng kaniyang application form.

Nagpiyansa naman ang senador at muling bumalik sa Senado, kung saan siya nanatili matapos ibaba ang Proclamation 572.

Pero kanina, Oktubre 22, 2018, lumabas naman ang desisyon ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Soriano na nagbabasura sa hiling ng DOJ na arestuhin si Senador Trillanes. Di na raw kasi maaaring baguhin ng korte ang nauna nang desisyon na nagbasura sa kasong kudeta ni Trillanes matapos siyang pagkalooban ng amnesty noong 2011.

“Well established is the doctrine that a final and executory judgment shall be immutable. The Court, in fact, loses jurisdiction over the case when its decision has become final and executory,” ani Soriano.

Bagama’t kinilala ng Makati RTC Branch 148 ang kapangyarihan ng pangulo na magbaba ng Proclamation 572, sinabi rin nito na nag-apply ng amnesty si Trillanes.

Ikinatuwa at ipinagpasalamat ni Senador Trillanes ang desisyon ng korte, at namalas ng mga tagasuporta niya ang kaniyang ngiti ng tagumpay.

Sa ngayon, bigo ang rehimeng Duterte na maipakulong ang pinakamasigasig nitong kalaban. Pero ayon sa gobyerno, “umpisa pa lang ito.”

Updated October 24, 2018.

Post a reply