Hindi na ako magkukunwaring back-to-blogging post ito. Baka kasi sa isang buwan na naman masundan ang post na ito. Napadaan lang ako dahil nitong mga nakalipas na araw ay may mga pagkakataong naiisip itong blog ko, ang Tinig.com, ang iba pang mga gawain ko noon online.
Naaalala ko ang mga dating mambabasa, ang mga naging cyberfriends, at ang masayang pamayanan ng blogging bago mapuno ng Google Adsense ang ating mga pahina at kunin ng Facebook at Twitter ang malaking bahagi ng mga araw natin.
Naaalala ko ang blogging noong panahong ito’y parang personal journal na talaan ng mga nangyari sa nagdaang mga araw kung saan nahuhulma’t ginagawang mga salita ang mga mapagpalayang buntung-hininga.





