“Sa pagdiriwang natin ng muling pagkabuhay ni Hesus, inaanunsiyo ko ang ang ating patakaran hinggil sa mga nahatulan ng death penalty. Iibahin natin ang parusa nila at gagawing life imprisonment.”

Ito ang pahayag ni Gloria Macapagal Arroyo kasabay ng kanyang pagbati sa sambayanan noong Pasko ng Pagkabuhay.

Masayang sorpresa ito para sa mga nasentensiyahan ng bitay, at malungkot na balita naman para sa mga biktima ng mga krimen at kanilang pamilya.

Sa unang tingin, ang pahayag ni Arroyo ay isang malaking hakbang tungo sa hangaring tuluyang maibasurang muli ang death penalty sa Pilipinas. Dapat ay masayang balita rin ito para sa mga tulad kong tutol sa bitay. Dapat ay ipinagbubunyi ito bilang tagumpay ng mga nagsusulong ng buhay. Dapat ay ipagdiwang ito bilang isang pagtalikod sa lumang paniniwalang kapag buhay ang inutang, buhay rin ang kabayaran.

Dangan nga lamang at kilala na natin ang taong nagpahayag nito, si Arroyo, na mula nang maupo sa puwesto ay iniwasan ang pagpapatupad ng bitay, kahit na ito ay isang batas, dahil sa siya — gaya ko at ng marami sa atin — ay Kristyanong tutol sa bitay. Siya rin ang pangulong noong Oktubre 2001 ay nagwika, alang-alang sa mga Tsinoy, na ipabibitay na niya ang mga kidnapper; at noong 2003 ay nagsabing hindi kasali sa ipinatutupad niyang moratorium sa bitay ang mga drug lords.

Dangan nga lamang at nitong nakalipas na linggo ay nagpahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines ng pagdududa sa tunay na layunin ng talagang kaduda-dudang kampanyang tinatawag na “people’s” inititiative para sa pagbabago ng Konstitusyon.

Dahil dito, hindi na tayo nabigla nang sabihin ng mga kalaban ng pangulo na pumupustura lamang si Arroyo. Anila’y pakana lamang ito upang mapalambot ang puso ng mga Katolikong obispong mukhang sa wakas ay unti-unti na ring nakikita ang tunay na kulay ng phone pal ni Garci.

Nakakaaliw naman ang pag-alma ni Sec. Ignacio R. Bunye, tagapagsalita ni Arroyo. Wala raw inaasahang “political returns” si Arroyo sa pagliligtas sa buhay ng mga nasa death row. “Let’s leave politics out of this exercise of a lawful and legitimate exercise of presidential prerogative,” wika niya.

Pero ang totoo, bagamat noong Disyembre 2003 ay muling nagpahayag si Arroyo na ‘di na niya pipigilan ang pagpapatupad ng parusang kamatayan, mula noon ay wala pa ring binitay — salamat sa Diyos — at nagpatawad pa nga siya ng mga preso nang makailang ulit. Samakatuwid, maliwanag pa sa sikat ng araw na talagang ang patakaran ni Arroyo ay ang ‘di pagpapatupad sa karumal-dumal na parusang itinatadhana ng batas.

Kung bakit kailangan niyang muling ipangako ang isang bagay na talagang ginagawa at gagawin niya ay maipaliliwanag lamang ng posibleng takot na lalong mapalayo sa kanya ang loob ng mga maimpluwensiyang pinuno ng Simbahan — at maaari din, ika nga ni Senador Kiko Pangilinan — na nagpapabango siya sa international community matapos siyang tirahin kamalailan ng New York Times.

At kung bakit kailangan niyang gawin ito sa Linggo ng Pagkabuhay ay maipaliliwanag lamang ng ginawa niyang pangako sa araw ng kamatayan ni Jose Rizal noong 2002 na di niya gagawin ang isang bagay na walang pag-aalinlangang siya naman niyang gagawin.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)