Ang Aking Kuwentong People Power 2

Kasama ako sa EDSA2! Para sa Blog Action Week ng Bloggers’ Kapihan, narito ang aking ambag. Pinaiksi at inayos na bersyon ito ng “Liham ng Tagumpay” na unang nalathala sa Mga Kuwentong People Power 2 section ng Tinig.com.

Sana makadalo kayo mamaya sa Bloggers’ Kapihan 3.0: Bloggers remember People Power 2 kasama si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at iba pang personalidad ng People Power 2. Gaganapin ito 2 to 5 pm sa Kape Tasyo (Freedom Bar) na nasa at 2/F Anonas Commercial Complex, #3 Anonas St., Project 3, Quezon City. I-text lamang ako sa 09173864686 kung may mga tanong kayo.

Enero 16, 2001, Martes

Galing ako sa isang meeting sa Makati noong gabing nagsimula ang EDSA People Power 2. Nasa meeting pa lang ako ay nagsimula nang magdatingan ang text messages tungkol sa labing-isang pangit. May magmumura — akala ko nga galit sa akin yung officemate ko na naunang nag-text–may nanggagalaiti, at kung anu-ano pa. Yung isang natanggap ko: “Remember the names of these senators; they betrayed the Filipino people: [name of the ugly senators].” That time medyo alumpihit na ako but since nasa meeting nga, wala akong magawa.

Later, nagtawag ako at nakibalita. Pero basically, naintindihan ko na na yun nga, hindi pinabuksan ang second envelope. Samantala, tuluy-tuloy ang mga text sa aking cellphone. Noise barrage raw ng 11pm at rally kinabukasan sa Senate. 11pm na, nasa bus pa ako; medyo nag-umpisa nang magkaingay ang mga sasakyan sa labas. Ako, gusto kong magwala sa loob pero siyempre nakakahiya kung para akong baliw na magsisigaw nang bigla. Nagtaka lang ako dahil kahit lagpas ng 11, tuluy-tuloy pa rin ang mga busina. Kahit magtu-twelve na ay may bumubusina pa.

Pag-uwi ko sa bahay, maya-maya ay dumating si Caloy, ang housemate kong reporter ng CyberDyaryo. Nagtitipon na raw ang mga tao sa EDSA. Kung gusto ko raw mag-cover para sa kanila. Siyempre ang sabi ko, aba e punta tayo. Pero bago iyon, hinarap ko muna ang aking computer at in-update ang aking resign-impeach-oust Erap website.

Enero 17, 2001, Miyerkoles

Maya-maya, sugod na akong mag-isa ko sa EDSA Shrine. Nag-taxi pa nga ako papunta at may suot na sombrerong may sticker na Erap-Resign Movement.

Nakita ko pa si Cory Aquino na paalis sa sasakyan niya noong kadarating ko lang. Kinawayan ko pa nga. Kumaway rin siya pabalik, pero medyo delayed reaction. Tapos pumasok na ako sa simbahan at nakita ang mga kasamahan sa media. Medyo awkward nga dahil iniisip ko: ano ba ako, rallyista o reporter na nagko-cover? Gusto ko kasing gawin pareho. Pero syempre, hindi magandang tingnan na isang reporter ay may suot na Erap-resign na sticker. Suot ko pa rin noon yung item na t-shirt na Batang Times, matapang, makulit, masipag, makabayan, etc… nanindigan, naghirap dahil kay Erap! But anyway, sabi ko bahala na.

Nakita ko ang friend kong si Anto na anak ni Ka Satur Ocampo, tapos mga pamilyar na mukha sa media. Tumabi ako ng publisher ng Pinoy Times na si Sir Vic Tirol at misis niyang si Lorna na hiningan ko pa ng kopya ng isyu nila para sa susunod na umaga. Sabi pa nga ni Ma’am Lorna, “Ah, it’s for sale, e.” Pero binigyan na rin ako ng libre dahil sa sabi ni Sir Vic, taga-Center for Media Freedom and Responsibility ako. Syempre, nakalibre ako sa “opisyal” na dyaryo ng People Power 2, hehehe! (Although nahiya rin ako later sa kakapalan ko.) Yun yung isyu na “Shameless” ang humihiyaw na headline. Naroon din si Sir Vergel Santos ng BusinessWorld na contributing editor din namin sa PJR.

May mga iba pang kaibigan, kakilala at kaeskwuela na nakabunggo ko mula mga alas dos hanggang mga ika-4 ng umagang inilagi ko roon sa EDSA. Pag-uwi ko, natulog akong masakit ang lalamunan dahil sa noo’y sipon pa lang na naging ubong di kaagad nawala. Ttanghali na ako nang magising at pagtawag ko sa office, okay lang daw na di ako pumasok dahil nasa EDSA naman ako noong umaga.

Pero ilang oras pagkagising, punta na naman ako sa sa EDSA. Pumunta rin ang mga officemates ko pero hindi ko sila nakita. Nagkita kami ng dalawang barkada kong babae, sina Miq at Joie. Nagpalakad-lakad kami, sumali sa chanting, at kumain sa Galleria. Nakasama pa namin ang boyfriend ng isa pa naming barkada at nakakamay pa nga siya kay Loren Legarda. Umakyat kami sa isang fly-over at nakigulo sa mga kabataang humaharang sa mga sasakyan; hindi pinapalagpas ang mga sasakyan hangga’t hindi bumubusina. At kung maaari, ang busina ay sa tono ng Erap-resign! Nagpamudmod din ako ng special issue ng Collegian na iniabot lang sa akin ng isang tao. Nang mapagod ako’y umuwi na ako ulit.

Enero 18, 2001, Huwebes

Kinabukasan, pumasok ako sa opisina at noong hapon ay lumabas para sumama sa human chain mula Ayala hanggang Ortigas. Anim kami: Ako; officemates kong sina Evelyn, Roselle, at Barn; kaibigan kong si Noel na suma-sideline ng scanning sa office; at barkada kong imported pa from Laguna, si Mat, na sinundo pa namin ni Noel sa Glorietta. Gaya ng naunang araw, andami na namang nakaitim at siyempre, mawawala ba ang mga sticker?

Nakasama kami sa human chain. Naglakad din kami papuntang Ortigas, at habang daan ay tuloy ang thumbs down sign na ipina-flash sa mga sasakyang nagdadaan. Syempre yung ibang mga pasahero ay nakikiisa at naki-flash din ng thumbs down sign. May parte sa paglalakad na sumisigaw kami — kahit aanim lang kami, ng chant ng UP — “Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!” Ginawa namin iyon habang nasa tabi kami ng pagkarami-raming mga taga-Ateneo. =)

Sa daan, may ibang mga nanonod din na pro-Erap. Yung mga pinakamahihirap, yung maliliit na mga anak nila, simisigaw ng Erap pa rin! Malungkot nga, andami pa rin niyang naloko!

Pero iba yung pakiramdam nang mag-Angelus. Kapit-bisig kaming lahat — siguro naman ay walang patid mula EDSA Shrine hanggang sa Ayala, kung may natira pa roon — habang nagdarasal. May mga sinindihang kandila pero may mga sasakyan pa ring bumubusina sa kabila noon.

Pagdating sa may Guadalupe ay sobrang pagod na kami. Dumaan kami sa Wendy’s para kumain. Naubusan nga ata ng stock ang Wendy’s sa Boni dahil sa dami ng kumain sa kanila. Pero nakakain pa naman kami. Kahit nasa pakikibaka, kumakain pa rin ako ng bacon mushroom melt combo!

Nang tutuloy na kami papuntang Ortigas ay naiwanan na kami ng malaking bulto ng mga papuntang EDSA Shrine. Iilan-ilan na lang kaming humahabol papunta roon dahil malayo na yung iba. Tapos nag-decide pa yung tatlong officemates ko na umuwi na. So kaming tatlong boys na lang ang natira.

Nang gabing iyon, lakad kami nang lakad. Dahil sa maliit na tao si Mat, madali siyang makalusot sa crowd — sumusuot, sumisingit at kasunod naman kaming dalawa ni Noel. Later in the night, nakarating kami sa malapit sa stage. Nakinig sa mga speaker, nakisigaw, nakigulo… Tapos nagpalakad-lakad ulit, umakyat sa dalawang flyover, naki-disco sa mga taga-Youth for Christ, at pinagod nang todo ang mga sarili. Ang lahat ng ito alang-alang sa barkada, este, sa sambayanang Pilipino.

Ang masaya rito, magkahalong gimik ng barkada at pakikiisa sa pakikibaka ang nangyari. May bonus pa nga dahil pakaalis ni Mat, kami ni Noel — na walang awa sa aming mga tuhod — ay naglakad mula Ortigas hanggang Santolan station ng MRT saka sumakay papuntang Cubao upang umuwi.

Parang work shift ang dating at alis ng mga tao. May mga parating, may paalis… lahat, iisa ang nais: si Estrada’y mapaalis!

Enero 19, 2001, Biyernes

Naunang pumunta sa rally ang mga officemates ko. Sabay ulit kami ni Noel. Mga 4 pm na siguro kami nakarating ng EDSA. Andami nang tao noon. Pinilit naming hanapin ang tent ng UP MassComm na umano ay naroon sa ibaba ng isang flyover, pero di namin nakita. May natagpuan kaming isang grupo ng mga tibak na taga-UP. That time, umaalialigid na sa ibabaw ng halos isang milyong katao na siguro sa EDSA shrine ang helikopter na may nakasulat na “RESIGN” sa gilid. Mas masaya nang mayamaya’y may pagkaguluhan ang mga tao. Dahil mga usisero, tumakbo kami papunta sa pinagmulan ng kaguluhan.

Nagtatalon ako sa katuwaan nang makita namin ang isang batalyon ng mga pulis na sumasanib sa bulto ng mga tao sa EDSA. “PNP! PNP! PNP!” ang sigaw namin sabay sunod sa likuran ng mga lespu. For the first time after so long, noon lang ako natuwa na makakita ng pulis.

Pagkatapos noon, medyo may konting pahirapan dahil sa dami na nga ng mga tao, nagkasiksikan talaga at ipit na ipit kami. Natuwa nga ako’t nakahinga pa ako. Yun yung time na nagpupuntahan na sa EDSA Shrine ang mga bumaliktad papuntang sa oposisyon.

Nang makalusot sa napakaraming tao, pumasok kami sa Gale. Noon ko lamang nakita ang mall na iyon na ganoon ang hitsura. Andaming kabataang nakaitim sa loob, ansaya, at ang nakakatuwa, parang halos lahat ng tao magkakaibigan. May konting chanting at tuksuhan pa. Pumunta kami doon sa may carnival sa loob — kung saan sabi ko’y nananahan ang umano’y kakambal na taong-ahas ni Robina — upang umorder ng pagkain. Inabot siguro kami ng isang oras paghintay ng order lalo na nang dumating ang kaibigan naming si Karla kasama ang officemates niyang sina Maan at Bong. Nagutom na kami ulit, di pa sila nakakaorder! Kumain kami tuloy ulit! Nakita rin namin doon si Peping Cojuangco.

That was also the time na nagtatawag si Erap ng snap election na gaganapin daw sa Mayo 2001! Nakakatawa di ba?

Later in the night, nang umuwi na sina Karla, natagpuan na rin namin ang MassComm tent at doon na kami nagpaumaga ni Noel kasama ang mga dating kaklase sa UP at orgmates sa Journ Club.

Enero 20, 2001, Sabado

Naghintay kaming mag-resign si Erap, pero dumating na ang taning na ika-anim ng umaga, matigas pa rin ang ulo ni Rambotete.

Nang mga oras na iyon, bumuo kami ng isang desisyon. Sasama kami sa Mendiola. Ako, alam ko na posibleng may mangyari — kinakabahan ako at medyo tensed noon. Kinunsulta ko ang kasama ko. “Pare, we have to make a decision. We fully know its possible consequences. Just in case something happens, are we ready and willing to die?” Parehong “Oo” ang sagot namin. Sa kabila ng pangamba, nagdesisyon kaming tumuloy. Anuman ang mangyari. Bahala na. Para sa bayan.

Kahit anong pagpigil ni Cardinal Sin at parang pananakot ni Fr. Robert Reyes (“Panginoon, mapayapa po kaming magmamartsa papuntang Mendiola, pero ang mga pro-Erap po, may dalang dos por dos… dos por dos…”), di napigilan ang pagkarami-raming taonga tumuloy sa Mendiola.

Sumama kami sa bulto ng mga taga-UP na nasa likod ng mga banners ng Bagong Alyansang Makabayan, Bayan Muna at iba pang mga militanteng grupo. Masaya kami sa daan. Maloko. Nawala na nga ang kaba. Ansarap ng pakiramdam na ang dami-dami ninyo. Nagkakaisa, naniniwalang para sa ikabubuti ng sambayanan ang inyong ginagawa.

Walang pagod. Enjoy. Paborito kong chant na narinig lang namin sa isang mas batang babae sa likod na amin: “Uh, la la! Oreta, puta ka!” Maya-maya, napilit namin siyang pamunuan ang chanting ng Uh lalala! Nagcha-chant kami pag may maraming tao at kitang-kita ang shocked expression sa mukha ng mga manang.

Marami rin kaming mga suportang natanggap sa daan: libreng tubig galing sa mga madre at ibang nadadaanan namin, mga pagkaing pakonti-konti, at mga plakard na pampalakas ng loob. May limang oras yata kaming naglakad na ang sadyang destinasyon ay Malacañang upang hilahin palabas si Erap at arestuhin siya.

Nang mga alas-10 siguro, nabalitaan ko sa radyo na naghahanda nang umalis si Erap at papanumpain na bilang pangulo si Gloria Arroyo. As expected, nang pormal na i-announce ang pag-alis ni Erap, sobrang saya ang mga tao. Naglundagan kami. Pero di na ako sobrang excited dahil nga nauna ko nang narinig ang balita.

Pagkatapos ng lahat, plastado ako pag-uwi. Pero masaya dahil nanalo ang bayan.

5 Replies to “Ang Aking Kuwentong People Power 2”

  1. i was in mendiola, nakatayo ako sa ibabaw ng crane/truck na nakapark sa left side kung nakaharap ka ng malacanang, di ko malilimutan yung moment na iyon. nalimutan ko nang isalaysay sa blog ko na isa pala ako sa mga nakihabol sa mga nakadospordos, may nakorner pa kami sa next street after mendiola, malapit sa back door ng ceu. hahaha.

  2. at ang tapang ko dahil wala akong kakilala na mga taga doon, dahil mag-isa lang ako pumunta… pwede nila akong pagbintangang pro-erap… ang sarap nga ng feeling nun, kinikilabutan ako pag naalala ko yung eksena sa gate ng sta. catalina, na naglabas ng tubig at mga biskwit yung madre… hay, masarap lumaban para sa bayan…. pero nakakafrustrate na walang pinatunguhan yung pakikipaglaban ko, pakikipaglaban natin…

  3. ako naman nasa opisina lang. lahat ng opismeyts ay nakasuot ng itim at tuwing lunch break ay nagpupunta sa EDSA Shrine para makiisa sa rally. mga 20 minutes sila doon. ako naman, nagkakaroon ng pagkakataon na magsiesta sa opisina habang nasa EDSA ang mga kasamahan.

Leave a Reply