Aldub: Ang simula

Paano nga ba nabuo ang Aldub?

Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza (Screengrab mula sa Eat Bulaga Facebook page)

Laging bukambibig ng maraming Pilipino ngayon ang tambalang Aldub na binubuo nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub. Sila ang naghahatid ng kilig at kasiyahan sa atin tuwing tanghalian.

Kung dati, naiinis tayo sa mga patalastas sa TV, ngayo’y kinasasabikan nating mapanood ang commercial ng Aldub. Araw-araw na nagte-trend sa Twitter ang mga hashtag na may kaugnayan sa paborito nating loveteam, at nakapagtala pa nga nang mahigit sa anim na milyong tweets sa loob ng 24 oras ang hashtag na #ALDUBTheAbduction noong Sabado. Usong-uso ang signature kaway nilang pabebe wave, at nai-LSS tayo sa mga kantang “God Gave Me You” at “Thinking Out Loud.” Sa loob at labas ng bansa, kinababaliwan ng mga Pinoy ang Aldub.

Inaabangan ng marami sa “Juan for All, All for Juan” segment ng Eat Bulaga ang KalyeSerye, o ang kuwento ng pagkakagustuhan nina Alden (ginagampanan ni Alden Richards) at Divina Ursula Bocoba Mash o Yaya Dub (Maine Mendoza) na hinahadlangan ni Lola Nidora (Wally Bayola), amo at tiya ng dalaga. Sa television screen lamang sila nakakapag-usap sa pamamagitan ng pagda-Dubsmash ng mga linya ng kanta at gamit ang mga papel na sinusulatan ng mga mensahe.

Nag-aabang ang mga tagahanga sa “tamang panahon,” o ang araw na magkikita sina Alden at Yaya. Tatlong beses na silang nagtagpo, ngunit hindi pa rin sila nakakapag-usap nang personal. Samantala, walang sawa pa rin silang inaabangan, sinusundan, tinitilian, at minamahal ng mga tagahanga.

Paano nga ba nabuo ang Aldub?

Noong Abril 18, 2015, naging bahagi ang Kapuso actor na si Alden Richards (Richard Reyes Faulkerson, Jr sa totoong buhay) ng pinakamatibay na noon-time show sa bansa, ang Eat Bulaga. Nitong mga nakalipas na buwan, napanood siya sa “That’s My Bae,” ang bagong bersiyon ng “Mr. Pogi” segment ng palabas.

Noong Abril din, naka-one million views naman ang unang Dubsmash video ng kalaunan ay tinaguriang Dubsmash Queen of the Philippines, ang 20-anyos na si Nicomaine Dei “Maine” Capili Mendoza. Dahil sa kaniyang nag-viral na mga Dubsmash video, napansin si Maine ng Eat Bulaga. Hulyo 4 nang unang siyang sumalang sa “Juan for All, All for Juan” bilang si Yaya Dub.

Makalipas ang dalawang linggo, noong Hulyo 16, habang nagda-Dubsmash si Maine, biglang ipinakita sa kabilang screen si Alden. Napansin ito ni Maine, na na-distract at sandaling nawala sa kaniyang karakter bilang Yaya Dub. Biniro siya ng Dabarkads sa pangunguna ni Allan K. Sinakyan ni Alden ang mga biro, at kumaway ang binata. Sinagot ni Yaya Dub ang kaway ni Alden ng kaniyang pabebe wave. Nag-flying kiss pa si Alden. Hanggang sa dulo ng segment, tinukso pa rin ng mga host ang dalawa.

Kinalaunan, naiulat na nalaman pala ng staff ng Eat Bulaga na crush ni Maine sa totoong buhay si Alden kaya’t habang umeere ang ang “Juan for All, All for Juan,” pinaupo ang aktor sa harap ng stage sa studio noong Hulyo 16. Nang itutok kay Alden ang kamera habang nagpe-perform si Maine, isinilang ang tambalang Aldub at kinilig ang sambayanang kilala ngayon bilang Aldub Nation.

Leave a Reply