Trahedya sa paraiso

Photo courtesy of UP Visayas PIO | Hosted by Photobucket - Video and Image Hosting

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Ayon sa alamat, noong una’y may isang dugong bughaw, si Prinsesa Guima, na umibig sa isang aliping ang pangalan ay Aras. Ang kanilang pag-ibig ay isa raw pagsalunga sa tradisyon sa kaharian ng Himalus. Di ba’t kadalasan ay ipinagbabawal sa mga prinsipe at prinsesa ang mag-asawa ng karaniwang mamamayan? Mas matindi sigurado ang gulo sa kaharian kung ang prinsesa ay iibig sa isang alipin.

Si Prinsesa Guima ay ipinagkasundo na ng kanyang amang hari sa tagapagmana ng isa pang angkang may dugong bughaw. Ngunit dahil sa kanyang pag-ibig kay Aras, tinanggihan ni Prinsesa Guima ang kasunduan. Siya at ang kanyang mangingibig ay tumakas sakay ang isang maliit na balsa, at sila’y naglaho sa nagngangalit na dagat. Mula noon, tuwing iihip ang malakas na hangin sa dagat, tila naririnig ng mga tao ang tinig ng hari na isinisigaw ang pangalan nina Prinsesa Guima at Aras. Mula noon, ang Himalus ay tinawag na raw na Guimaras.

Ang Guimaras ay isa sa mga lugar na pang-akit ng Pilipinas sa mga turista. Para sa mga dayuhan at bakasyunista, maituturing ito munting paraiso dahil sa magagandang beaches. Maaari maikukumpara ito sa lugar sa pelikulang “The Beach” ng paborito kong si Leonardo DiCaprio na kinabaliwan ng mga dayuhang nakarating doon. Sa isla ng Guimaras, puti ang buhangin, may mga island coves, at ang dagat ay mayaman sa sariwang isda, mga shellfish, at corals. Sagana rin doon ang ani ng mangga, pati na rin ng kalamansi and cashew nuts.

Ngunit paraiso man ay dinadalaw rin ng trahedya. Nakapagpapaalaala sa malungkot na kinapitan nina Prinsesa Guima at Aras—ang mga tauhan ng alamat—ang naganap na paglubog ng Motor Tanker Solar 1 sa dagat ng Guimaras noong Agosto 11, 2006. Dala ang may dalawang milyong litro ng langis ng kumpanyang Petron, naglalayag ang MT Solar 1 papuntang Zamboanga del Sur nang ito’y lumubog. Nagdulot ito ng pagtagas ng langis sa dagat, na umabot na sa mga baybayin ng 46 na barangay sa anim na bayan sa Guimaras at dalawang bayan sa Iloilo.

Ang paraiso ng Guimaras ay unti-unting nabalot ng malapot at madilim na langis. Nasira ang yamang dagat, at ang tumagas na langis ay nagbabanta sa kalusugan ng mga mamamayan ng Guimaras at mga karatig-lugar. Tinatayang tatlong milyong pisong kita ng may 15 beach resort ang nawala dahil sa aksidente.

Hindi maiiwasang magkaroon ng turuan at sisihan, at ang pagkakaroon ng maraming katanungan. Nagkulang ba sa pag-iingat ang Petron at ang kinontrata nilang Sunshine Maritime Development Corporation na may-ari ng barko? (Kinontrata na rin ngayon ng Petron ang Fukuda Salvage and Marine Works Ltd ng Japan upang magamit ang barkong Shinsei Maru upang mahanap ang lumubog na tanker). Bagamat sea-worthy ang tanker, hindi raw akma ang lisensya ng kapitan ng barko sa sasakyang kanyang dinala. Hindi ba naging mahigpit ang Philippine Coast Guard sa pagsisiyasat sa tanker at pinalayag ba nila ito kahit masama ang panahon? Ang mga tanong na ito ay sinusubukang sagutin ng mga nagaganap ngayong pagdinig sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Dalawang linggo pagkatapos ng insidente, saka pa lamang idineklara ng Pangulo ang state of calamity sa Guimaras. Bago pa man ito, muling nakita ang diwa ng bayanihan sa ating mga Pilipino, at ang kahandaang tumulong ng mga ibang lahi. Ang mga nongovernment organization ay tumutulong sa paglilinis ng dagat. Ang mga blogger sa Internet ay nananawagan ng tulong at pakikiisa. Ang mga Pilipinong imbentor ay nagpiprisinta ng kanilang mga imbensiyong makakatulong sa pagsipsip ng langis. Pati mga preso ay nagpakalbo upang magamit ang kanilang buhok sa paglilinis ng dagat.

Kung sa alamat ay naging mapait ang kapalaran ng magkasintahang Prinsesa Guima at Aras, sa trahedya ng Guimaras Oil Spill ay binibigyan tayo ng pagkakataong matuto sa aral na dala nito at maiwasang ito’y maulit pa.

0 thoughts on “Trahedya sa paraiso

  1. sabi ng isang blogger, dapat daw petron oil spill ang tawag sa nangyaring trahedya sa guimaras dahil sila ang may kasalanan. sabi naman ng isang kaibigan, guimaras massacre. ngayon, ito ay tinataguriang 8/11

  2. maganda na po ba ulit sa guimaras ngayon? and are there any more legendary stories about the origins of guimaras and other parts of the country like nueva ecija?

Post a reply