Nanood kami kagabi ni Myla ng pelikulang “The Red Shoes” nina Marvin Agustin at Nikki Gil. Mala-special screening pa nga dahil kaunti lang kami sa sinehan. Sayang at tila marami ang naka-miss sa isang magandang pelikula.
Isinasalaysay ng “The Red Shoes” ang kuwento ni Lucas (Marvin Agustin), na noong 10 taong gulang pa lamang ay nagnakaw ng isang pares ng pulang sapatos mula sa koleksyon ni Imelda Marcos. Sa pagtatapos ng EDSA People Power Revolution, napasama ang bata sa grupo ng mga mamamayang pumasok sa Malakanyang pagkatapos tumakas ng pamilya ng diktador. Ibinigay ni Lucas ang tig-isang sapatos sa dalawang babaeng pinakamahalaga sa kanya: ang kanyang inang si Chat (Liza Lorena) at ang kanyang kasintahang si Bettina (Nikki Gil). Mga sapatos din ang magiging saksi sa relasyon nila ng kanyang ina nang mawala sa kanilang buhay ang kanyang ama dahil sa trahedya ng Film Center ni Imelda, at sa pagharap nila ni Bettina sa mga problema sa kanilang mala-langit at lupang ugnayan.
