Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog

(November 28, 2006 update: Ang bagong kopya ng dokumentong ito ay mula sa Filipiniana.net)

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
Andres Bonifacio

Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutulong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapit-bayan at lalung-lalo na ang mga taga-Japon (=Japan), sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugaliang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna * at ni Legaspi (= Miguel Lopez de Legazpi ) na pinakakatawanan ng hari sa Espana.

Buhat nang ito’y mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kudi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.

Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang atin lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.

* FN Sikatuna in this document would refer to Rajah Sikatuna who was the ruler of Bohol when Miguel Lopez de Legazpi came to the Philippines.

Para sa mga Pilipino sa Internet

Sa ilang pagkakataon, naipakita na ng mga Pilipinong netizen, lalo na ng mga blogger, ang mabisang paggamit ng teknolohiya ng Internet upang maisulong ang ilang mga layunin:

– noong isagawa ng PLDT.com noong 2000 ang pinakaunang cyber-rally sa Pilipinas upang ipahayag ang pagkasuklam sa rehimeng Estrada;

– noong maitayo ang Blogger Power laban sa isang plagiarist na kung tawagin ay “Keiko”;

– noong makiisa ang mahigit dalawang daang kabataang Filipino netizen sa anti-war campaign ng Filipino Youth for Peace;

– noong maitayo at unti-unting lumawak ang Pinoyblog.com;

– nang maisagawa ang una at mga sumunod na iBlog summit;

– noong kumalat ang “Hello Garci” CDs at ring tones dahil sa PCIJ blog, TXTPower, at Indymedia;

– at kamakailan, nang matagumpay na maisagawa ang Pekeng Pangulo Googlebomb campaign. Continue reading “Para sa mga Pilipino sa Internet”

Mga Makata Para sa Pagpapatalsik kay Gloria

Natanggap ko sa e-mail ang imbitasyong ito:

Inaanyayahan ang lahat na pumunta sa isang gabi ng pagbabasa ng tula at malayang pagpapahayag hinggil sa pagpapatalsik kay Gloria Macapagal-Arroyo. Gaganapin ito sa Martes, Nobyembre 29, 2005, 7-9pm sa Conspiracy, Visayas Avenue. Ang poetry night ay pinasisimunuan ng UP AWARE o UP Alliance Working for Arroyo’s Removal. Ang mga nakatakdang magbasa ng mga tula mula sa antolohiyang Truth and Consequence: Poems for the Removal of Arroyo ay sina Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Joi Barrios, Prop. Romulo Baquiran, Prop. Danton Remoto, Prop. Adelaida Lucero, Prop. Duke Bagulaya, at marami pang iba. Continue reading “Mga Makata Para sa Pagpapatalsik kay Gloria”

Ang Huling Paglipad ni Darna

May mga lumabas na usap-usapan na tulad ni Dyesebel, magpapakita rin daw si Captain Barbell sa Darna ng GMA-7. Pero huling gabi na ng palabas mamaya. May panahon pa kaya para isingit ang isa pang likha ni Mars Ravelo?

Anuman ang mangyari, sa kabila ng kung anu-ano at katawatawang ginawa ng mga manunulat sa istorya ng paborito nating tauhan sa Komiks, gusto ko pa ring mapanood ang huling gabi mamaya.

Kayo ba, manonood din? O sobrang nairita na kayo sa istorya para magsayang ng oras?

Mga Nakaligtaang Bagay

Noong nasa kolehiyo pa ako, ang isang kaibigan ko’y may mga mga ‘di natapos na bagay o nakaligtaang pakikipag-ugnayan sa isang kaeskuwela niya noong high school. “Unfinished business,” wika nga niya. Hindi ko na matandaan ang lumang kuwento–kung naging sila ba o hindi–pero ang alam ko, tinulungan ko siyang muling makaugnayan ang kamag-aral na noo’y nasa ibayong dagat na.

Sa panaginip ko noong isang gabi, naroon ang kaibigan kong ito, at ang isa pa naming kabarkada noong kolehiyo. Kadalasan, ang panaginip ay ‘di basta-basta maunawaan at walang kawawaan. Ni hindi na nga kami nagkikita-kita nitong mga ikinukuwento ko sa inyo, pero ewan ako’t napanaginipan ko sila. Nakatambay yata kami sa simbahan, o naglalakad. Di ko na matandaan. Baka um-extra sila sa panaginip ko dahil sa Friendster. Continue reading “Mga Nakaligtaang Bagay”