Marlene Garcia Esperat, 45

Makulay. Ito raw ang isa sa mga katangian ni Marlene Garcia Esperat, mamamahayag, siyentipiko at anti-corruption crusader na pinatay noong Huwebes Santo sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

“Erin Brockovich” kung tawagin siya ng mga taga-Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Tulad ni Erin, isang single mother na naging legal assistant at nagpaluhod sa isang malaking kumpanya sa Estados Unidos, si Marlene ay kakaibang manamit.

“Each time she came to our office to report yet another corrupt government deal, she wore mini skirts, stiletto heels and tight dresses with low necklines that revealed more than concealed,” ayon sa artikulong “Farewell, Erin Brockovich” nina Luz Rimban at Sheila S. Coronel ng PCIJ.

Tuwing dadalaw raw si Marlene, iba’t iba ang kulay ng kanyang buhok–light brown at pula raw ang paborito niya–at mala-bahaghari ang kanyang eye shadow.

Dahil sa kanyang kakaiba at makulay na katauhan, maaring hindi mo raw siya seseryosohin kung makikilala mo siya. Hindi mo aakalaing si Marlene ay isang matapang na kalaban ng katiwalian sa gobyerno, partikular sa Kagawaran ng Pagsasaka o Department of Agriculture (DA).

Nagsimula ang laban ni Marlene, noong dekada ’90 nang maging pinuno siya ng Chemical Analysis Laboratory ng DA sa Region 12 nang malaman niyang mas kaunti kaysa sa nakatakda ang ibinibigay na pondo sa kanyang laboratoryo. Nagsumbong siya sa noo’y kalihim ng DA at nag-utos ito ng pagsisiyasat. Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinunog daw ng financial officer ang opisina ng kagawaran sa Cotabato City ng upang mapagtakpan ang kanilang kalokohan, ayon sa mga saksi.

Dahil sa kanyang mga ibinisto, isinailalim si Marlene sa witness protection program at naging action officer ng Ombudsman ng kagawaran na ang opisina ay sa Quezon City. Nalayo siya sa kanyang pamilya pero mas marami siyang nalamang mga kaso ng katiwalian sa DA.

Ayon pa sa PCIJ, dahil siya’y isang siyentipiko, ang kanyang estilo ay scientific: masusi niyang sinusuri ang bawat dokumento at hinahanap ang mga taong makapagbibigay ng impormasyon upang mapatunayan ang kanyang mga hinuha. At gaya rin daw ni Erin Brockovich, nagmememorya siya ng mga phone number ng mga posibleng sources at ibinibigay ang mga ito sa mga reporter.

Sa nakalipas na sampung taon, dose-dosenang kaso na raw ang isinampa ni Marlene laban sa mga tiwaling opisyal ng DA. Noong isang taon, nagsampa siya ng kaso sa mga opisyal ng DA na pinangungunahan ng kalihim na si Arthur Yap at dating Undersecretary Jocelyn Bolante–na malapit kay First Gentleman Mike Arroyo–dahil sa umano’y pagbili ng overpriced na abono na ang pondo ay ginamit daw para sa kampanya ni Pangulong Gloria Arroyo. Isinangkot din niya si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa chicken smuggling.

Ayon sa mga nakasama niya, determinado at matapang si Marlene. Isa siya sa mga taong ayon kay Che Guevara ay nagngangalit sa pagkamuhi sa anumang anyo ng kawalang katarungan. Kakampi niya ang ilang matatapat na kawani ng DA, pero kaaway siya ng mga kurakot.

Dahil sa kanyang pagpupursigi laban sa katiwalian, ilang beses nang pinagtangkaan ang buhay ni Marlene. Pero handa siyang harapin ang kanyang katapusan. Nakakapagbiro pa nga raw siya. Minsa’y sinabi raw niya sa mga taga-PCIJ, “I want to look pretty when the assassins come to get me.”

Nang lisanin ni Marlene noong nakaraang taon ang kanyang trabaho sa DA, nagbenta siya ng Tupperware at nagtayo ng maliit na tindahan sa Tacurong. Nagsulat din sya ng sang lingguhang kolum sa The Midland Review. Dati ay mayroon din siyang programa sa radyo.

Sa kanyang pagpanaw, hindi natatapos ang laban ni Marlene. Ayon sa kanyang asawang si Jorge, noo’y sinabihan niya ang kanyang asawa na itigil ang kanyang mga mga ginagawa alang-alang sa kanilang mga anak. Ngunit ang sagot daw ni Marlene, matamis ang kamatayan basta’t makakatulong siya sa paglilinis ng gobyerno. Ang pangako ngayon ni Jorge: ipagpapatuloy niya ang sinimulan ng kanyang kabiyak. “Hihintayin ko lang malibing si Marlene. Papalitan ko siya,” wika niya sa isang panayam ng Mindanews.

Maaaring pinatahimik siya ng kamatayan, ngunit patuloy na mag-iingay ang krusada ni Marlene at magsisilbing makulay na inspirasyon para sa iba pang mga kalaban ng katiwalian ang halimbawa at alaalang kanyang iniwan.

Bakit Inuubos ang Bayan Muna?

Tila taglagas ngayon para sa partidong inaasahang magpapasibol ng bagong pulitika sa bansa.

Sunud-sunod ang mga kaso ng pagpatay sa mga lider at kasapi ng makakaliwang grupong party-list at mga kaalyado nitong grupo.

Kamakailan, habang naghahanda sila para sa isang pagtitipon sa UP ng mga aktibista upang iprotesta ang mga pagpatay at tatalakayin ang umano’y lumalalang paglabag sa kanilang mga karapatang pantao, bigla namang pumutok ang balita ng pagpatay sa isa na namang nilang kapanalig.

Binaril at napatay habang nagpapahinga sa kanyang tahanan sa Angeles City noong Marso 17 si Victor Concepcion, 68, pangkalahatang kalihim ng Aguman Deng Maglalautang Deng Capampangan na kaalyado rin ng Bayan Muna. Siya na ang ikalima sa mga napatay sa linggong iyon, ayon sa tanggapan ni Bayan Muna Rep. Teddy Casi?o. Apat na mataas na opisyal naman daw ng kanilang partido ang pinatay o nananating nawawala mula pa noong sinundang linggo.

Isang organizer ng Anakpawis sa bayan ng Jose Panganiban sa Camarines Norte, si Joel Reyes, ang binaril at napatay noong Marso 16. Bago iyon, noong Marso 10 si Ernesto Bang, Public Information Officer ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ang itinumba sa may hagdanan ng kanyang bahay sa Brgy. Malangkaw Basud, Labo Camarines Norte. Mga elemento ng 31st Infantry Battalion ng Southern Luzon Command ng Philippine Army raw ang pinaghhinalaang salarin ng mga kasamahan ng mga biktima.

Hinihingi ng mga aktibista sa pamahalaan na aksyunan ang dumadalas na pagpatay sa kanilang mga kasamahan. Sa isang privilege speech, hinikayat din ni Casi?o ang Pangulo at ang pamunuan ng pulisya at hukbong sandatahan na atasan ang kanilang mga tauhan na igalang ang karapatan ng mga kasapi ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela at iba pang aktibistang organisasyon.

Nagiging target ng mga pagpatay ang mga lider at kasapi ng Bayan Muna at mga kaalyado nitong grupo dahil sa akusasyon ng ilang opisyal ng gobyerno na ang mga grupong ito ay front organizations ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front.

Itinatag noong 1999, nakiisa at nanguna ang Bayan Muna sa mga lumipas na party-list elections. Layunin nitong madala sa Kongreso ang pakikibaka ng mga organisasyong masang kumakatawan sa iba’t ibang sektor tulad ng mga manggagawa?t magsasaka, kababaihan, kabataan at propesyunal, mga katutubo, at iba pa. Ang pangalan at prinsipyo ng partido ay isa–Bayan Muna! Ibinabandila nito ang tunay na bagong pulitika sa bansa.

Dating lider ng mga rebelde ang pangulo ng partido, si Rep. Satur Ocampo. Mula sa gubat at mga lansangan, ang kanyang pagsalunga sa kaayusan ay dinala niya sa ligal na sistema.

Paulit-ulit nang hinikayat ng gobyerno–lalo na ng Pangulo–ang mga rebelde na isuko ang armadong pakikibaka. Tutal daw, may demokrasya na ngayon. Pero bakit tila bulag, pipi’t, bingi ito sa kasalukuyang kalagayan?

Sa Paglipad ni Timothy

Masaya ang unang pagkikita namin ni Timothy halos dalawang taon na ang nakakaraan. Sa bahay iyon ng pinakaiirog niyang si Margaux. Magkaibigang matalik sina Margaux at ang pinakamamahal kong si Myla. Sa gimik na iyon, ang bestfriend?s boyfriends?si Timothy, ako, at si Jess na boyfriend naman ni Kat na bahagi rin ng barkada nina Myla?ay ?di sinasadyang pare-parehong nakasuot ng shirt na itim. Tinanong tuloy kami ng magbabarkada kung sasayaw raw ba kami. Maliban sa pagkain at inumin, ang gabing iyon ay napuno ng tawanan at kuwentuhan. Siyempre pa, patok ang mga hirit ni Timothy na TJ ang palayaw sa kanyang pamilya at Tim o Moti sa amin.

Hindi namin nakasama nang matagal si Tim. Kadalasan ay sa mga okasyon lamang: Kapaskuhan, birthdays, UP Fair. Bukod kasi sa abala kami sa trabaho, si Tim naman ay umuwi muna sa probinsiya habang pansamantalang nakatigil sa pag-aaral niya upang maging isang piloto. Pero tuwing may gimik ang barakada, lagi siyang may request sa text sa akin. Bantayan ko raw si Margaux para sa kanya. Naging mas malapit kami noong naghiwalay sila ni Margaux. Nagti-text kami at nagtatawagan at pinag-uusapan ang kanilang problema. Kinulit-kulit ko rin siyang bumili ng Sun Cellular SIM para makapagtelebabad kami sa cellphone.

Lagi kong maaalala nang minsan ay nagkayayaan kaming maghapunan nang magkakasama dito sa Quezon City. Ang alok niyang sorpresahin namin ng dalaw si Myla sa Pampanga ay nauwi sa biglaan ngang pagbiyahe. Masaya ?yung biyaheng iyon. Nag-take out na lang kami ng pagkain sa Jollibee. Ikinagulat nga ni Myla at ng Mama at Papa niya ang biglaang kong pagdating sa bahay nila kasama sina Tim at Margaux at ang pinsan kong si Jay. Sabay-sabay na kaming bumalik sa Maynila. Kinabukasan, kumain naman kami sa Mang Jimmy?s sa may likod ng UP at tumungga ng tig-iilang bote sa may Quezon Avenue kasama ang iba pang mga kabarkada nina Myla.

?Tim loved you guys. He always wanted to spend time with you all when he was alive, not because he wanted to earn brownie points so you would side with him whenever we argued or fought or broke up, but because he genuinely liked you. You were great friends to him as you forever will be to me,? sabi ni Margaux sa e-mail niya sa e-group ng barkada.

Bago mag-Valentine?s Day, kinulit kami ni Tim na puntahan namin ni Myla ang ang exhibition nila sa sa Clark. Hindi namin siya napagbigyan pero ang usapan namin ni Tim, one of these days ay gigimik kami ulit at mag-iinuman sa may Timog. Sayang at hindi na iyong matutuloy.

Noong Pebrero 19, nag-crash ang eroplanong sinasakyan niya habang nagsasanay sa Mindoro. Pumanaw si Tim kasama ang kanyang instructor.
Dalawang araw bago mangyari iyon, ipinadala ni Lucila?barkada rin nina Myla at Margaux?sa e-group ?yung e-mail na nagsasabing tukuyin natin kung bakit dumarating ang bawat tao sa ating buhay. Itinatanong nito kung ang ating mga kaibigan ba ay nakikilala natin for a reason, a season, or a lifetime. ?Yung for a reason daw, dumarating dahil sa isang dahilan?para bang hulog ng langit na biglang mawawala; yung season, sandali lang mananatili pero magdudulot ng saya; at ?yung lifetime, eh for life.

Akala ko makakasama naming magkakaibigan si Tim for life. Akala ko kasama siya sa kategoryang for a lifetime. Inasahan kong kapag bumubuo na kami ng kani-kaniyang pamilya, nariyan lang ang isa?t isa para maging lagiang kaagapay at karamay?kapareho ng sitwasyon namin bago siya mawala. Pero inagaw nga siya sa amin ng isang aksidente.

Siguro, ang pagdaan ni Tim ay sa buhay namin, sa buhay ng mga malapit sa kanya ay ?for a reason?: upang punuin ng saya at pagmamahal ang aming buhay bilang isang malambing na anak, makulit na pamangkin, mapagmahal na kasintahan, maalalahaning kaibigan, o komedyanteng kaklase.

Ipinakita niya sa amin kung paano mabuhay at magmahal nang todo?truly madly deeply. Kapag nag-uusap kami noon, sinasabi niya kung gaano kahalaga si Margaux para sa kanya. Nagin halimbawa rin siya ng pagsusumikap na tapusin ang anumang sinumulan at abutin ang minimithing pangarap. Sa kanyang paglisan, si Tim ay isa nang ganap na piloto.

Sa kanyang pag-uwi kay Bathala, iniwan niya kaming nabigla at nagdadalamhati. Pero dapat naming unawaing upang si Moti ay malayang makalipad, kailangan niyang iwanan ang kanyang katawang winasak ng trahedya. Di nga ba?t ang munting prinsipe sa librong The Little Prince ay nagsabi sa kaibigan niyang piloto na lubhang mabigat ang kanyang katawang lupa upang dalhin sa kanyang paglalakbay pauwi sa kanyang bituin?

Pero sinabi rin ng munting prinsipe na tuwing makakakita ng buituin ang kaibigan niyang piloto kapag siya ay wala na, maaalala ng piloto ang mga halakhak ng munting prinsipe. Para rin daw siyang makakakita ng mga bituing tumatawa.
Sa mga susunod na araw, susubukan naming tumingala sa kalangitan. Baka sakaling isang gabi, mula sa himpapawid ay dalhin sa amin ng hangin ang mga hiyaw at halakhak ni Moti sa kanyang paglipad.

Gaya ng sinabi ko sa harap ng kanyang ina at kay Margaux, hindi ko kakalimutan si Tim. Sabi nga ng pilotong kaibigan ng munting prinsipe, ?To forget a friend is sad. Not everyone has had a friend.? Totoo iyan. At idadagdag ko ring ?Not everyone has had a friend like Timothy.?