Monthly Archives: October 2003

Kay Mhay

Mahal, nais ko sanang lumikha ng tula para sa iyong kaarawan. Ngunit sa tulad kong hindi isang likas na makata, mailap ang anyong ito ng panitik.

Hindi ko batid kung paaano ibuburda sa mga salita at bubudburan ng tugma ang aking damdamin para sa iyo, o kung paano lalapatan ng sukat ang bawat tibok ng aking puso. Hindi ko maikukulong sa mga saknong ang mga alaala ng bawat pagkakataong ginugugol natin sa piling ng isa’t isa. Hindi ko maisasalarawan nang nakakubli ang kahulugan ang ating mga palitan at bahaginan ng mga saloobin, pangarap, at pangamba. Hindi ko kayang isatitik sa mabulaklak na panitik ang kilig na dulot ng iyong tinig at ang kiliting dala ng iyong mga titig at dampi. Hindi ko rin maihahanay sa patulang sulat maging ang mga kaisipang makabayan na kapwa natin niyayakap.

Ang natitiyak ko lamang, ikaw ang mapagmahal na lakambining nagpapasigla sa aking payak na panulat, ang marikit na musang kasuyo at katuwang sa pangangarap, ang nagbibigay pag-asang kasama sa pagsaksi sa kadakilaan ng mga obra ni Bathala.

?Yun nga lamang, matulain man ang ating pag-ibig, ayaw kitang alayan ng tulang pilit.

http://www.peyups.com/article.khtml?sid=2958

Pasalubong


Habang tumitirik ang mata at kung anu-ano pa ng mga naghihirap na Pilipino sa iba’t ibang dako ng bayang itong pugad ng luha at dalita, ang mga mapapalad sa Palasyo naman ay hindi magkandaugaga sa paghahanda ng isang napakarangyang salu-salo para sa isang panauhin.

Tinuluyan na rin ang mga maralitang taga-lungsod–winasak ang kanilang mga barung-barong upang hindi magmukhang kahiya-hiya sa darating na diyos.
Continue reading

Eto na naman

Nakabalik na kami ng mahal ko mula sa tatlong araw na bakasyon sa Marinduque. Binisita namin si Nanay Diding at dumalo kami sa birthday celebration ni Tia Dencia, asawa ng kapatid ni Tatay Andoy. Maikli at madalian lang ang bakasyon. Naging pinal lang ang dedisyon naming umalis sa mismong gabi ng biyahe.

Siyempre masaya. Mabilis at mapayapa ang paglalakbay papunta sa amin, liban sa letseng tiket na saka ko na ikukuwento sa inyo. Dumating kami sa bahay nang Sabadong umaga at pumunta sa bayan para sa kita-kits ng pamilya noong hapon. Tumagal ang kainan, kuwentuhan, at inuman hanggang maagang bahagi ng gabi. Medyo na-hot seat kami nang konti, pero masaya naman.

Noong Linggo, dapat ay pupunta kami ng mga pinsan ko sa baranggay ng girlfriend ni Ernel, pero dahil sa buwisit na signal ng Smart ay hindi natuloy ang balak na picnic sa tabing lawa (o ilog ba ‘yun?). Ang nangyari, inuman na lang noong gabi sa bahay. Naroon sina Jay, Ernel, Kiko, at Michael at sumali rin si Bulilit–na kamag-anak ko sa side ni Nanay.
Continue reading

Go, Guingona

Isang araw magtapos mag-alsa balutan si Loren mula sa Lakas-CMD, sumunod na si VP Teofisto Guingona.

“It pains me to write this letter, but the moment of truth demands that I tender my resignation from the Lakas-Christian Muslim Democrats,” sabi niya sa sulat.

Iniulat ng Inq7 at abs-cbnNEWS.com na sinabi ni Guingona na ang posisyon ng partido sa mga kasalukuyang usapin ay “especially agonizing” para sa mga kasama sa People Power 2 na nagluklok kay Pangulong Arroyo.

“The party is not serious in bringing about needed reforms,” sabi ni Guingona.
Continue reading

Loren, Loren Sinta

Lumabas ng Lakas-CMD si Senador Loren Legarda. Ginawa raw niya ito upang malayang makapagpahayag ng kanyang mga saloobin sa mga pambansang usapin nang hindi nalalabag ang patakaran ng partidong ngayo’y nagkakawatak-watak.

Pero isa sa mga obvious na dahilan ay ang napipintong pagtakbo ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa 2004. Alam nating lahat na nais ni Loren na maging pangalawang pangulo at hindi inaasahang magpapatakbo ng tandem na binubuo ng dalawang babae ang Lakas.

(Napapa-roll eyes si cyberfriend Perfectly Sassy sa ganitong ideya.)

Sabi ni VP Tito Guingona, “the party’s loss is our people’s gain. I am saddened but I fully respect and accept Loren’s declaration of independence.”

Sana nga para maging malaya ang paglayas ni Loren sa Lakas, at hindi para kumabit sa tiket ni Danding Cojuangco, isang negosyanteng pinaniniwalaang nagpasasa sa buwis ng mga magniniyog na kinabibilangan ng Lolo at Lola ko.

Kung ang kanyang pag-alis ng Lakas ay para yakapin si PacMan, tuluyan nang mamamatay ang umaandap-andap na paniniwala kong balang araw, si Loren–na may matuwid na mga posisyon sa mga usapin ng soberanya at kasarinlan, usapang pangkapayapaan at karapatang pantao, at kalikasan–ay posibleng maihanay sa mga maprinsipyo at makabayang lider tulad nina Recto, ng mag-amang Tañada, Diokno, Salonga, at Guingona.

Si Gloria at Ang Santo Papa

Ang larawang ito ay ninenok mula sa www.Inq7.netFunny naman that one ang naisip ko, kahit medyo naburat ako nang makita ko ang larawang ito. Hindi funny as in “Pinagtatawanan mo ba ako?” na hirit ni cyberfriend Limpbwizit sa photo of the week (nga ba?) niya–na ang pagkakaintindi ko ay masama ang tingin ng Santo Papa kay Gloria dahil pinagtatawanan siya nito–kundi funny as in nakakatawa kasi kakaiba pero nakakairita kaya sarcastic ang tono ng pagkakatawa. O kaya ‘yung parang sa “Wow, Mali!”–ang mali, nakakatawa. Magulo ba ako? Basta, para kasing mali ‘yung picture eh. Kaya nang i-post ko ito sa Filipino Youth for Peace, ang ginawa kong titulo’y “Ano Ang Mali sa Larawang Ito?” Sa palagay ninyo, ano ang mali?

‘Yung mga favorite columnists ko, sina Luis Teodoro at Conrado de Quiros, alam nila siyempre. Share ko sa inyo ang sinabi nila:
Continue reading